
Mahirap magsulat sa Tagalog. Mabuti na lang at hindi ko na ito uulitin.
Sa dalawang taon na pagsusulat at pamamahagi ng kaalaman sa sining ng pagsusulat bilang Punong Patnugot ng Benildean Press Corps (BPC), ito ang una at tanging pagkakataon na isusulat ko ang aking piyesa sa Tagalog—ang huli kong kontribusyon bago ko ipasa ang aking titulo sa isang bagong dugo.
Ang desisyong isulat ang huli kong piyesa sa Tagalog ay para sa alaala ng isa kong guro at tagapayo na si G. Sid Gomez Hildawa, isang arkitekto, alagad ng sining at makata. Siya rin ang dating direktor ng Visual Arts Department ng Sentro ng Kultura ng Pilipinas o Cultural Center of the Philippines (CCP). Si G. Hildawa ay pumanaw sa edad na 45, umaga ng Marso 30 dahil sa Typhoid fever.
Si G. Hildawa ay ang aking gurong tagapayo para sa maikling pelikula na aking sinimulan bilang thesis. Sa lahat ng aming mga konsultasyon, walang tanong na hindi nasagot o problemang hindi sinubukang solusyonan. Noon, handa na akong kalimutan ang pelikula dahil sa kawalan ng pag-asa, pondo, oras at mga taong masasandalan. Pero, nagbago ang ihip ng hangin nang walang pag-aalinlangan na tinanggap ni G. Hildawa ang proyekto at nangako na gagabayan ako hanggang sa huli.
Sa isa naming pagkikita sa kanyang opisina sa CCP isang gabi ng Miyerkules, nagkaroon ako ng pagkakataong magmasid sa kanyang silid: Ang mga puting dingding ay pinuno ng maliliit na istante ng mga porselana. Sa isang sulok na nag-aagaw sa dilim at liwanag, sari-saring mga obra ng kulay at tinta ang nakasandal na tila naghihintay ng kanilang taga-hanga. Ilang librong literatura ang nakasalansan sa isang masinop na eskritoryo. Nakangiti akong sinalubong ni G. Hildawa at pinagsabihan akong umuwi na at matulog nang hangga’t gusto ko dahil mas mahusay pa sa kanyang inaasahan ang aming pelikula. Tinanong din niya kung marunong ba akong ngumiti.
Matapos ang pagkikitang iyon, hindi ko na muling nakita si G. Hildawa. Hindi ko na din siya naaabutang nakaupong naghihintay ng mga estudyante papayuhan sa opisina ng School of Design and Arts (SDA) tuwing alas-sais ng gabi. Pagpasok ng unang bahagi ng termino ng kasalukuyang school year, natigil na din ang kanyang pagsusulat sa kanyang online blog—ang huling tala ay nailathala Pebrero pa ng kasalukuyang taon kung saan isang litrato ni G. Hildawa kasama ang Pambansang Artista na si Bien Lumbera ang nakapaskil. Sa mukha na puno ng buhay at nakangiting si G. Hildawa ay ang pangako ng isa pang pagtatagpo sa hinaharap kasama ang dakilang artista.
Pero sino nga bang mapalad ang pwedeng maka-aninag sa totoong hinaharap? Maski na ang isang artistang nakakaintindi nang taos sa misteryo ng kung ano pa man ay walang kakayahan na sumilip sa tunay na mukha ng kanyang tadhana.
Isang Sabado—isang araw bago pumanaw si G. Hildawa—pinadalhan ako ni Bb. Lualhati Bautista—ang isa ko pang tagapayo—ng isang anunsyo mula sa CCP na nakikiusap para sa taimtim na panalangin para sa agarang paggaling ni G. Hildawa. Sinubukan kong tawagan ang telepono ni Sir Sid (kung saan siya mas kilala) pero nakapatay na ang kanyang telepono.
Alas-sais nang umaga ng Marso 31, ipinaalam sa akin ng isang kaibigan na pumanaw na si Sir Sid umaga ng Marso 30. Ayon sa isang kakilala, ang huli niyang tala sa kanyang talaarawan ay “I’ve tried to cross the river, but the current was too strong.” Tulala akong nanatili sa kama hanggang ala-una ng hapon.
Nais ni Sir Sid na mapanood ang aming pelikula kapag ganap nang tapos ito; pero ngayon, hindi ko na alam kung papaano pa. Habang isinusulat ko ang piyesang ito, ang mga abo ni si Sir Sid ay nakalagak sa kapilya ng Don Bosco—sa isang pagtitipon ng mga nakikiramay na puno ng bulaklak, tula, kalungkutan at ala-ala.
Ang aking maikling proyektong pelikula na Sapatos kasama si Ping Medina at ang huling piyesang ito para sa BPC ay taos-puso kong inaalay sa alaala ni Sir Sid.
On my fourth day in hospital
with dextrose feeding me twenty
drops a minute, I picture in my mind
a space I may have left behind,
not entirely empty, but of air
made thinner by my absence,
or of lighter tissue,
so that people pause, inquire,
and imagine what used to be there.
--“Sick Leave”, Sid Gomez Hildawa, 2007
***
Gusto kong ipahayag ang aking walang sawang pasasalamat at pagmamahal sa aking mga kapatid sa Benildean Press Corps (BPC). Ang tatlong taon kong ginugol sa apat na sulok ng BPC newsroom ay hindi matatawaran. Hiling ko ang patuloy ninyong dedikasyon sa pagiging mga taga-paghatid ng katotohonan at serbisyo sa komunidad ng De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB).
Maraming salamat kay G. Randy Torrecampo, ang aking kuya at tagapayo na walang sawang gumagabay sa akin hanggang sa huli. Ang hiling ko ay patuloy mo pa sanang magabayan ang pamilya ng BPC sa marami pang mga taon.
Maraming salamat kay Ate Riza (Manalili) sa pagiging kumare at matalik na kaibigan.
Maraming salamat sa BPC Editorial Board sa kanilang tiwala at respeto.
Sa La Salle Brothers lalo na kay Br. Armin Luistro FSC at Br. Victor Franco FSC, salamat sa inyo sa aral na inyong pinamalas tungkol sa kahalagahan ng katotohanan.
Salamat din kay G. Neil Barnachea ng DLS-CSB Center for Counseling Services para sa walang sawang pag-gabay.
Sa Alliance of Lasallian Campus Journalists, salamat sa pagpapatuloy ng tradisyong Lasalyano na sumasalamin sa katotohanan at pagiging maka-Diyos.
Sa College Editors Guild of the Philippines, salamat sa inyong walang sawang gawain tungo sa reporma at pagbabago.
Sa iyo-alam-mo-kung-sino-ka, pwede mo kaming diktahan pero hindi mo kami magagapi.
Sa Batch 104 ng Multimedia Arts Department, nasa inyo ang aking buong respeto sa pagkakaroon ng tatag ng loob sa kabila nang walang tigil na pang-gigipit ng mga nagmamarunong.
Sa lahat nang tumangkilik, ipagpapatuloy pa rin natin ang laban.
Ito ang inyong Editor-in-Chief, L'enfant terrible, nagpapaalam at sumasaludo sa kabataang Benildyano.